top of page

                                                                                          KAGITINGAN

                                                                                       Bataan has fallen…

 

Written by: Mark Lennin Medina

                          

Synopsis:

 

Ang Pilipinas,  sinakop at inangkin ng bansang Espanya sa loob ng 300 taon, pinalaya at ipinaglaban ng bansang Amerika, subalit bago sumapit ang nalalapit na kasarinlan na ipinangako ng Amerika sa Pilipinas, nagulantang ang lahat. Taong 1941, binomba ang Pearl Harbor, Hawaii na naging hudyat ng deklarasyon ng digmaan ng Amerika laban sa Imperyo ng Hapon. 

 

Pinamunuan ni Heneral Douglas MacArthur ang USAFFE (US Army Forces in the Far East) na kinabibilangan ng mga sundalong Amerikano at Pilipino. Ipinag utos nya na ang lahat ng tropang sundalo sa Luzon ay magtungo sa Peninsula ng Bataan na naaayon sa War Plan Orange, isang estratehiya laban sa mga hapon. 

 

Marami sa mga Pilipino ang nagpamalas ng katapangan upang ipaglaban ang ating bayan. Isa na dito si Sgt. Jose Calugas,  isa sa mga magigiting na sundalong unang sumagupa sa pwersa ng hapon na naganap sa Layac Junction (Dinalupihan, Bataan),  ang first line of defense, at sa kanyang kagitingan,  ginawaran sya ng US Congressional Medal of Honor.

 

Si First Class Private Narciso Ortilano,  na ginawaran ng Distinguished Service Cross na isa sa pinakamataas na parangal para sa mga sundalong Pilipino, ay nakilala sa kanyang kabayanihan at tapang sa Mauban-Abucay Line of defense. 

 

Ang digmaang ito ay laban ng Amerika sa bansang Hapon ngunit sa maalab na pagmamahal ng mga Pilipino sa ating bayan,  buong puso silang lumaban sa pwersa ng Hapon. 

 

Kilalanin natin ang katapangan ng mga sibilyang Pilipino na walang alinlangang nagtanggol sa ating Inang bayan sa katauhan ni Pedring.  Nang sumiklab na ang digmaan sa Bataan,  maging ang mga ordinaryong sibilyan ay naging bahagi ng ating kasaysayan. 

 

Ang mga kababaihan na tumulong sa pagkupkop at pagkalinga sa mga sugatang sundalo,  bagaman hindi bala ang sandata,  ang malasakit sa bayan ang kanilang naging lakas upang walang pagod na mag aruga sa mga sundalong Amerikano at Pilipino na bibigyang buhay sa katauhan nina Nana Ista at Rosa. 

 

At sa kabila ng digmaan uusbong ang pagmamahalan nina Pedring at Rosa na lalo pang nagpalakas ng kanilang loob upang patuloy na lumaban. Sa kautusan ng emperor ng Japan kay Hen.  Homma na sakupin ang buong Pilipinas sa loob ng 50 araw,  kinailangan nilang mapabagsak ang pwersa ni Hen. MacArthur ng sa ganun ay maging matagumpay ang kanilang misyon.

 

Ipinagutos ni Heneral Homma na tratuhin ang lahat ng mga Pilipino hindi bilang kaaway kundi isang kaibigan. Ngunit ang kautusang ito ay hindi natupad,  lumaganap ang malawakang pang aabuso sa pamumuno ni Col. Tsuji Masanobu, isang opisyal sa ilalim ni Heneral Homma na hindi sangayon sa kababaang loob ng kanyang heneral. 

 

Si Erlinda, isang tipikal na dalaga sa lalawigan ng Bataan na ginahasa at pinatay ng mga sundalong hapon, na naging sigaw ng mga sundalo sa panahon ng napanghihinaan ng loob.  "Remember Erlinda”  sigaw ng pagtangis at paghihiganti.  Si Erlinda na simbolo ng mga kababaihang inabuso nuong panahon ng digmaan. 

 

Dahil sa digmaan, tila ang bansang Pilipinas ang tanging biktima sa sagupaan ng dalawang malalakas na bansa, ang Amerika at ang imperyo ng Hapon. Iba’t ibang propaganda ang lumutang mula sa mga bansang ito upang makuha ang loob ng ating mga bayani sa gitna ng labanan.   

 

Ang tapang at kagitingan ng ating mga sundalo ay tila apoy na nagngangalit, subalit dahil  sa kakulangan ng supply ng tubig,  pagkain at armas, na syang dahilan upang ang lakas at pwersa ay unti unting bumagsak. Bagaman pinilit lumaban ng ating mga sundalo hanggang sa kahuli hulihang sandali,   bumagsak ang bataan sa mga kamay ng mga sundalong hapon. 

 

Hindi inasahan ni Hen. Homma ang dami ng mga sumukong sundalo, kung kayat ipinag utos nya na dalhin ang mga bihag na sundalo sa Campo Donnel sa Tarlac. Ito ang panimula ng makasaysayang martsa ng kamatayan (Death March).  Sa loob ng 6 n araw nang pagmamartsa libo libo ang binawian ng buhay dahil sa pagod,  gutom,  uhaw at pagmamalupit ng mga sundalong hapon. 

 

Ang makasaysayang pagbagsak ng bataan,  kasunod ang kalunos lunos na kaganapan sa Death March,  may isang saksi na sasariwa ng nakaraan,  si Lolo Batan,  halina’t samahan natin syang lakbayin ang kasaysayan ng madugong digmaan,  sagutin ang mga katanungang patuloy na umiikot sa ating kaisipan,  anu ang araw ng kagitingan,  anu ang halaga nito sa kasalukuyang panahon,  bakit ika-9 ng Abril ang itinakdang araw upang gunitain ito, tayo na at maglakbay kasama si Lolo Batan...ating alamin ang misteryo sa kanyang katauhan At kilalanin ang buhay ng ating mga bayani, tunghayan ang kanilang pakikipaglaban at maging inspirasyon sa lahat ang kanilang... KAGITINGAN

CURRENT PRODUCTION

© 2016 by ALTITUDE THEATER ARTS PRODUCTION   
 

bottom of page